Nasa proseso na rin sa ngayon sa pagtukoy ang PNP sa pagkakakilanlan ng ilang mga lalaki na nag-occupy sa katabing kwarto ng nasawing flight attendant na si Christine Angelika Dacera nuong New Years Day.
Ayon kay NCRPO chief BGen. Vicente Danao,Jr. bumuo na rin sila ng SITG at nagpulong ang Special Investigation Task Group Dacera case kahapon para talakayin ang nagpapatuloy na imbestigasyon sa Dacera rape-slay case.
Ayon kay Danao, ang ikalawang grupo ng mga kalalakihan ang nag-occupy sa room 2207 ng City Garden Grand Hotel na katabi sa kwarto ni Christine at ng kaniyang mga kaibigan sa room 2209.
Nanawagan naman si Danao sa mga kaibigan ni Christine na nanduon sa room 2209 para makipag tulungan sa imbestigasyon, dahil isa sa kanilang magkakaibigan ang nag-imbita sa ikalawang grupo ng mga lalaki.
Binigyang-linaw din ni Danao na hindi pa “off the hook” ang tatlong lalaki na pinalaya ng korte.
Inihayag ng heneral na mas mabuti na gawing opisyal ang pahayag ng mga respondents na lumantad sa media at nagbigay ng kanilang salaysay.
Aniya, kapag hindi ito maging opisyal na salaysay ay maari silang kasuhan ng obstruction of justice
Inamin ng PNP na naembalsama na ang katawan ng namatay na flight attendant na si Christine Dacera bago pa ito isailalim sa autopsy.
Gayunpaman, sinabi ni Danao , hinihintay pa rin ng PNP ang chemical at toxicology report na isinagawa kay Christine.