Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang idineklarang unilteral ceasefire ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay AFP Chief Of Staff Gen. Felimon Santos Jr., ang deklarasyon ni Pangulong Duterte ay patunay na handa ang commander-in-chief na magpatupad ng anumang hakbang para matiyak na tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng mga sundalo sa mga mamamayan.
Sinabi ni Santos, nais ng Pangulong Duterte na masiguro ang kaligtasan, kalusugan, at kabutihan ng publiko.
Nanawagan naman ang heneral sa lahat ng sundalo na ituloy lang ang kanilang misyon sa pag-alalay sa mga mamamayan at pagtulong sa mga health professionals sa laban kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nananatiling nakaalerto naman ang mga sundalo para masiguro na hindi mananamantala ang kabilang grupo.
Ang unilateral ceasefire ay magiging epektibo hatinggabi ng Marso 19 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Abril 15.
Kaugnay nito, nagdeklara na rin ng suspension of police operation (ang PNP kasunod ng deklarasyon na unilateral ceasefire sa mga komunista.
Paliwanag ni PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa, lahat ng national, regional, provincial at district police maneuver units na may kinalaman sa internal security operations ay inilagay na sa “defensive posture” at “disaster response at public safety mode”.
Gagamitin na ang mga maneuver forces para sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon.
Gayunman, mahigpit ang bilin ni Gamboa na manatiling nasa defensive mode ang PNP kontra sa pag-atake ng anumang armadong grupo.
Ang mga nasabing puwersa ng PNP ay makatutuwang na ng iba pang law enforcement units at gov’t agencies para sa Quarantine control at pagtiyak sa mas mabilis na paggalaw ng mga mahahalagang kargamento na siyang pangunahing pangangailangan ng publiko.
Umaasa si Gen. Gamboa na susuklian ng CPP-NPA ang “gesture of good faith” ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga mamayan sa gitna ng banta ng COVID-19.