KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang walong kasapi ng communist terrorist group kabilang umano ang isang improvised explosive device (IED) expert matapos na sumuko sa mga otoridad sa Barangau Masiag, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ito ang inihayag ni Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Baldomar, sumuko ang mga rebelde dahil sa patuloy na operasyon ng militar at pulisya sa mga lugar na diumano’y pinagtataguan ng mga ito.
Sa tulong ng Municipal Task Force- Ending Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC) ng Bagumbayan, 7th Infantry Batallion, Philippine Army at Bagumbayan MPS ay matiwasay na bumalik loob sa gobyerno ang mga ito bitbit ang kanilang 13 matataas na calibre ng baril kabilang na ang isang IED.
Inihayag ng tumatayong lider ng mga ito na si alyas Dandan ay napilitan silang sumuko dahil sa hindi natupad na mga pangako ng New People’s Army (NPA) at ilang taon na silang nagtatago sa kabundukan na malayo sa kanilang pamilya.
Sa ngayon higit 100 na mga kasapi ng communist terrorist group ang sumuko sa mga otoridad sa lalawigan lamang ng Sultan Kudarat.