CENTRAL MINDANAO- Isang malakas na uri ng Improvised Explosive Device (IED) ang iniwan sa national highway sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na namataan ng mga sibilyan ang iniwang sako sa gilid ng national highway sa Barangay Lower Tambunan Dos Guindulungan Maguindanao na may lamang bomba.
Agad nagresponde ang mga sundalo at pulis kung saan pansamantalang isinara ang national highway.
Dumating agad ang puwersa ng 3rd Explosive Ordnance Disposal Team ng Philippine Army at dinepyos ang bomba.
Ang IED ay gawa sa 81 mm mortar projectile,40 mm high explosives,blasting cap, wirings at cellphone bilang triggering mechanism.
Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek ng mga otoridad na nag-iwan ng bomba.
Paghihiganti ang motibo ng mga terorista ng masawi ang anak at kapatid ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife sa inilunsad na law enforcement operation ng Joint Task Force Central sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa Maguindanao.