CENTRAL MINDANAO-Isang malakas na uri ng bomba ang iniwan sa gilid ng national highway sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Ronald Briones na tumanggap sila ng impormasyon mula sa mga sibilyan sa isang Improvised Explosive Device (IED) na iniwan sa gilid ng national highway sa Barangay Satan Shariff Aguak Maguindanao malapit lamang sa dating Provincial Capitol.
Agad na nagresponde ang mga sundalo at pulis kung saan pansamantalang isinara ang national highway.
Dumating ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal Team ng Philippine Army at agad nagsagawa ng safety procedures sa iniwang bomba.
Makalipas ang isang oras ay nadepyos ang bomba at binuksan ang national highway.
Kagagawan umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang tangkang pagpapasabog at posibling target ang mga sundalong lalabas na nagkakampo sa loob ng dating Provincial Capitol.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa lalawigan ng Maguindanao laban sa masamang plano ng BIFF.