-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Labis-labis ang saya at pasasalamat ng 1,624 barangay volunteers mula sa ikalawang distrito ng probinsiya matapos nilang natanggap ang apat na buwang honoraria mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.

Ang pamamahagi ng honoraria sa 1,242 Barangay Health Workers (BHWs) at 382 Day Care Workers (DCWs) ay batay sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na madaliin ang nasabing distribusyon upang magamit ng kani-kanilang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko.

Kaya naman abot-tenga ang ngiti nina Jennifer Fernando at Ligaya Vicenta parehong BHW sa Binoongan, Arakan dahil may gagamitin na silang para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Lubos naman ang pasasalamat ni Clarita T. Espinosa isang Day Care Worker sa probinsiya sa loob ng 27 taon kay Gov. Mendoza sa oportunidad na binibigay sa kanya na patuloy na magsilbi bilang volunteer teacher ng mga kabataan kaya patuloy pa rin itong tumatanggap ng insentibo sa kanyang pagtuturo sa mga day care children.

Ayon ng naman kay Nelaida Buscano, BHW Federation President sa bayan ng Makilala, isang napakalaking tulong sa kanilang 150 BHWs sa nasabing bayan na ibinigay ang kanilang honoraria ilang araw bago ang Pasko.

Bumisita rin sa nasabing aktibidad sina Ex-Officio Board Member Phipps Bilbao ng Liga ng mga Barangay sa bayan ng Antipas at PGO-Focal Person Edgar Visabella sa apat na magkaibang venue bilang kinatawan ni Gov. Mendoza at ilang mga local officials sa bawat bayan na pawang nagpaabot ng pagsaludo at pasasalamat sa nabanggit na mga volunteers sa kanilang sakripisyo bilang katulong ng pamahalaan sa epektibong implementasyon ng mga programa sa kalusugan at sa mga kabataan.

Ang distribusyon ay isinagawa sa Arakan Municipal Gym, Poblacion Covered Court sa bayan ng Magpet, Pres. Roxas Municipal Gym at Balindog Covered Court sa syudad ng Kidapawan na magkatuwang na pinangasiwaan ng mga representante mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Integrated Provincial Health Office (IPHO) at Provincial Treasurer’s Office.