-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ang isang Igorot trail runner matapos masawi nang maaksidente sa Bokod, Benguet, kahapon.

Nakilala itong si Marcelino Palitog Sana-oy, 29-anyos na magsasaka at trail runner, may-asawa, tubo ng Kabayo, Kayapa, Nueva Vizcaya pero residente ng Jappas, Bobok-Bisal, bayan ng Bokod.

Ayon sa pulisya, nangyari ang aksidente sa bulubunduking bahagi ng Sitio Mangakew, Poblacion, sa nasabing bayan.

Sa salaysay ng testigong si Eusebio Julian, habang naglilinis siya sa kanyang sayote farm ay nakita niya ang pag-akyat ng biktima sa mataas na pine tree at ang pagpuputol nito ng mga sanga ng nasabing puno.

Matapos aniya ang limang minuto ay sinilip muli ni Julian si Sana-oy ngunit hindi na niya ito nakita sa taas ng puno, kaya pinuntahan niya ito at doon tumambad ang biktimang nakahiga sa lupa.

Kaagad nagpasaklolo si Julian sa mga residente roon para sa pagdala sa biktima sa pagamutan.

Gayunman, habang naglalakbay sila sa limang kilometrong daan sa bundok patungo ng main highway ay tuluyan nang pumanaw ang biktima.

Napag-alamang si Sana-oy ay isang trail runner at inspiring ambassador ng sport na trail running kung saan nagsimula itong tumakbo sa mga bundok sa edad na 18.

Tinatawag niya ang kanyang sarili bilang “simplest runner” at nakagawa ito ng pangalan sa trail running scene matapos makilala bilang kauna-unahang kampeon ng Cordillera Mountain Marathon sa sikat na Mt. Pulag at ng Cordillera Mountain Ultra sa Itogon, Benguet.

Nasubok din ang kakayahan ng decorated mountain runner sa running series ng King of the Mountain at napanalunan din nito ang Pilipinas Akyathlon.

Naging kinatawan ng Pilipinas si Sana-oy sa mga trail running events sa labas ng bansa gaya ng 2017 Asian Skyrunning Championships sa Japan. (featured photo grabbed from FB account of Sana-oy)