BAGUIO CITY – Puntirya ng isang Igorota muaythai artist na masungkit ang kauna-unahang gold medal sa Southeast Asian Games (SEA) Games sa kanyang pagsabak sa nalalapit na biennial regional multi-sport event na gaganapin sa bansa ngayong taon.
Bilang miyembro ng muaythai national team, magiging kinatawan ng Pilipinas si Islay Erika Bomogao sa 45kgs female division ng muaythai na isa sa mga combat sports na tampok sa SEA Games.
Napag-alamang aabot na sa dalawang buwang nasa labas ng bansa si Bomogao at ang kanyang team para mag-training para sa nalalapit na SEA Games.
Ayon sa kanya, tatlong taon na niyang ipinagdiwang ang kanyang kaarawan na malayo sa kanyang pamilya at tahanan dahil kailangan niyang tuparin ang kanyang mga tungkulin bilang isang atleta.
Noong nakaraang linggo lamang ay ipinagdiwang ang ika-19 na kaarawan ni Bomogao at naging wish nito na manalo ang Team Pilipinas sa kanilang nalalapit na laban sa SEA Games.
Si Bomogao na anak ng isang konsehal sa Baguio City ay gold medalist sa 2018 International Federation of Muaythai Associations World Youth Muaythai Championship na ginanap sa Thailand at gold medalist din sa 2017 1st World Martial Arts Masterships na ginanap sa Jincheon, South Korea.
Kasalukuyang nagsasanay ang student athlete sa sikat na Team Lakay kung saan lalo pang pinapaganda ang kanyang martial arts skills sa ilalim ni 2001 SEA Games wushu gold medalist, coach Mark Sangiao, ang head coach at founder ng isa sa tinawag na best MMA Gyms in Asia.
Maliban sa muaythai, naging kinatawan din si Bomogao ng kanyang high school sa iba’t ibang martial arts gaya ng wushu at Pencak Silat sa loob at labas ng bansa.
Hawak ngayon ni Bomogao ang Professional MMA Record na 2 win at 0 loss at ranked No. 20 sa Asia Southeast Women’s pound-for-pound ng MMA website na Tapology.