Nanawagan si Agriculture Sec. Manny Piñol na ihinto na ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa pagkakabangga ng Chinese vessel sa sinasakyang bangka ng 22 mangingisdang Pilipino sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Sinabi ito ni Piñol nitong araw kasabay nang pagprisenta niya sa media sa cook ng bangka na si Richard Blasa.
Bagamat ipinakilala sa media si Blasa, pinayuhan naman ni ito ni Piñol na huwag na muna maglabas ng statement dahil isusumite pa raw ng kalihim ang affidavit nito sa Cabinet cluster meeting mamayang hapon.
Umaasa si Piñol na ihinto na ng mga nagpapakalat ng balita na ang mga mangingisdang lulan ng lumubog na bangka ay hindi naman tunay na mangingisda at sinadya ang pagpapabangga sa Chinese vessel.
Ayon sa kalihim, natatakot ang mga biktima sa naturang insidente dahil kung ano-anong balita ang lumalabas laban sa kanila.
Gayunman, sa ngayon ay nagpaabot na ng tulong ang Department of Agriculture sa mga apektadong mangingisda dahil inaasahang aabutin ng ilang buwan bago magamit muli ng mga ito ang kanilang nasirang bangka.
Kasabay nito ay nangako naman din si Piñol na gagawin ng gobyerno ang makakaya nito maprotektahan lamang ang mga mangingisdang Pilipino.
Kabilang na sa mga tulong na ito ay ang psycho-social intervention ng Department of Social Welfare and Development sa 22 crewmen.