-- Advertisements --

DAVAO CITY – Binaha ang iilang parte ng Probinsya ng Davao de Oro dahil sa naranasang malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng naranasang Low Pressure Area (LPA).

Iilan sa mga naapektahon ay ang Barangay Poblacion sa munisipalidad ng Compostela at isang barangay sa munisipalidad ng Monkayo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay JOSEPH RANDY LOY, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office – Davao de Oro, kinumpirma nito na mayroon lamang dalawang pamilya sa nasabing mga lugar ang isinailalim sa pre-emptive evacuation at temporaryo na itong nakitira sa kani-kanilang kapamilya.

Sinabi rin ni Loy na ang water level sa iilang sapa ng probinsya ang umabot na sa critical level ngunit sa kasalukuyan, base sa monitoring ng ahensya, dahan-dahan na itong nag-subside lalo na sa Compostela Municipality.

Sa kabilang banda, nananatiling unpassable o hindi madaanan ang nasirang tulay sa Naboc River sa Barangay Naboc sa Monkayo.

Dagdag pa ni Loy na dahil sa walang humpay na ulan kagabi, mayroong iilang mga lugar ang nakaranas ng minor to moderate landslide.

Isa na rito ang sa National Highway sa Brgy. Ngan sa Compostela ngunit maayos na ito matapos na agad na inaksyonan ng engineering team ng lugar.

Mayroon ding natalang landslide sa barangay road ng Brgy. Hamiguitan at sa Purok 3 at Purok 22 sa Mt. Diwata sa Monkayo.

Sa kabuoan, malaki parin ang pasasalamat ng buong probinsya ng Davao de Oro dahil sa kabila ng nangyaring mga pagbaha at landslide, ligtas ang lahat at walang naitalang nasugatan.