Binabantayan muli ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pangalawang barko ng China na natukoy na dumaan sa karagatang sakop ng Northern Luzon.
Unang kinumpirma ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela ang pagdaan ng Chinese ship Dian Ke 1 Hao, 46 kilometro lamang ang layo mula sa coastal town ng Sta. Ana, Cagayan.
Ito ay maliban pa sa research vessel ng China na Zhong Shan Da Xue na naunang natunton sa katubigang sakopt ng bayan ng Itbayat sa probinsya ng Batanes, ang pinaka-hilang probinsya ng Pilipinas.
Ayon kay Tarriela, bagaman hindi pa matiyak sa ngayon kung ano ang pakay ng Dian Ke 1 Hao, sinusubaybaya ng coast guard ang galaw ng barko, lalo na at ito ay nasa karagatan na ng bansa.
Sa inisyal na monitoring ng PCG, lumalabas na deretso ang paglalayag nito habang dumadaan sa karagatan ng Pilipinas, kaiba mula sa naging paglalayag ng naunang Chinese research vessel.
Una na ring lumabas ang Zhong Shan Da Xue, matapos ang pag-challegne ng PCG sa presensya nito sa karagatan ng bansa.
Ayon pa kay Tarriela, tuloy-tuloy na susubaybayan ang ikalawang barko hanggang sa tuluyan itong makalabas sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ngayong buwan ng Abril, dalawang Chinese research ship na ang namataang pumasok sa karagatang sakop ng Northern Luzon.