Nakatakdang bumiyahe ang ikalawang batch ng Philippine contingent patungong Myanmar ngayong Miyerkules, Abril 2 para tumulong sa pagbibigay ng disaster response at humanitarian assistance, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa.
Ang ikalawang batch ay binubuo ng 33 personnel. Nauna ng dumating ang inisyal na 58 contingent members nitong Martes, Abril 1.
Ayon sa DOH chief, ang Myanmar pa lamang ang humiling ng medical assistance, urban search and rescue at iba pang bagay habang sa Thailand ay hindi pa nagrequest ng tulong.
Saad pa ng kalihim, kabilang sa misyon ng ipinadalang contingent ay hanapin ang 4 na Pilipinong nananatiling nawawala kasunod ng tumamang lindol. Tutulong din ang mga ito sa search and rescue operations sa mga biktima sa mga gumuhong istruktura.
Mula nga sa 91 contingent ng Pilipinas na ipinadala sa Myanmar, 32 ay mula sa DOH Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT)- Visayas na mga survivors ng bagyong Yolanda.
Nakapokus ang PEMAT Visayas sa pagbibigay ng acute medical care sa Myanmar kabilang ang life support, trauma management, pharmaceutical provisions at isolation facilites para sa mga pasyenteng may communicable diseases.
Tutulong din ang grupo sa referrals ng mga pasyenteng nangangailangan ng advanced treatment at pag-coordinate sa local health system doon sa Myanmar kung kinakailangan.