Pumalo na sa mahigit tatlong milyong doses ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines ang naiturok sa pinalawig na National Vaccination Program ng pamahalaan sa Pilipinas.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ng National Vaccination Operations Center chair at Department of Health (DOH) undersecretary na si Myrna Cabotaje na nasa 3.7 million doses na ang kabuuang bilang ng mga bakunang naiturok mula December 15 hanggang December 20.
Pinakamarami aniya sa mga nabakunahan ang mga tumanggap ng second dose vaccine na nasa 2.1 million, habang nasa 1.1 million naman ang mga nakatanggap ng first dose, at 289,000 ang mga nagpaturok ng booster shots.
Ayon pa kay Usec. Cabotaje, nakapagtala ng 1,039,000 doses ang naiturok sa ginanap na bakunahan kahapon.
Nangunguna aniya ang pediatric population sa may pinakamaraming bilang ng sektor na nagpapabakuna sa nasabing innoculation, sinundan ng adult population, at iba pang indibidwal na kabilang din sa iba pang priority groups.
Samantala, idinagdag ng opisyal na nananatiling maayos ang ikalawang Bayanihan Bakunahan sa mga local government unit dahil marahil ay natuto na ang mga ito mula sa mga naunang pagkakataon na isinagawa ito sa bansa.
Ngunit pag-amin nito, medyo nagiging magulo ang proseso ng bakunahan sa ilang lugar sa bansa na tinamaan ng Bagyong Odette.
Sa kabila nito, positibo ang DOH na makakamit nito ang target na 54 million na indibidwal na mababakunahan bago matapos ang taon na ito kahit nasa gitna pa ng mga hamon at pagsubok bunsod ng pandemya.
Nakahanda aniya ang DOH na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mapabilis pa ang bakunahan at makabawi ang mga lugar na may mahinang inokulasyon upang makamit ang nabanggit na target.