Nakilala na ang ikalawang Pilipinong nasawi sa malakas na magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar kamakailan.
Maalalang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkakatunton sa mga labi ng unang Pilipinong nasawi matapos ang ilang araw na paghahanap ng mga rescue team.
Sa isang statement, sinabi ng DFA na ipinabatid sa kanila ng Philippine Embassy na nakabase sa Yangon na natunton na rin ang labi ng ikalawang Pilipinong nasawi at ilang araw ding pinaghahanap.
Naipaabot na rin ng ahensiya ang sinapit ng biktima sa kanyang pamilya ngunit hiniling umano ng pamilya ang pagrespeto sa kanilang privacy.
Hindi na rin naglabas ang DFA ng karagdagang impormasyon ukol sa natunton na mga labi, bilang pagbibigay-galang sa kahilingan ng pamilya.
Sa kasalukuyan ay patuloy na pinaghahanap ang dalawang iba pang Pilipino na una nang napaulat na missing, kasunod ng malakas na lindol.
Marso-28 noong tumama ang naturang lindol sa central Myanmar na kumitil na sa buhay ng mahigit 6,640 katao.