-- Advertisements --
Libya OFW mortar DFA Cato
A Filipino was wounded while his Sudanese co-worker was killed when a mortar round fell on their compound in the outskirts of Tripoli (photo from Usec. Cato, @DFAPHL)

Iniutos ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin ang pagbibigay ng kaukulang tulong sa Pinoy worker na sugatan matapos na madamay sa nangyayaring gulo sa bansang Libya.

Ang direktiba ng kalihim ay makaraang kumpirmahin ni DFA Undersecretary Elmer Cato na tinamaan ang naturang OFW sa pagsabog ng mortar na tumama sa compound kung saan sila nagtatrabaho sa isang oil at gas services provider.

Ang kasamahan umano ng Pinoy na isang Sudanese national ay minalas nang mapuruhan sa nangyaring pagsabog.

Sinisisi naman ni Cato ang kompaniya ng Pinoy worker na dapat ay noon pang mga nakaraang linggo isinagawa ang evacuation sa mas ligtas na lugar dahil malapit lamang sa pinagtatrabahuan nila ang nangyayaring labanan.

Sinasabing ito na ang ikalawang OFW, na hindi muna isinapubliko ang pangalan, na nadamay sa nagaganap na civil war sa naturang bansa.

“The company should have evacuated them two weeks ago but they did not. Their compound is where most of the fighting has been taking place,” ani Cato sa kanyang social media account.

Para naman kay Locsin, dapat mag-alok na rin ang DFA ng kaukulang tulong para sa namatay na Sudanese worker.

“Take care of him. Offer help to the dead coworker he may not gave brave Filipino embassy to care for his remains. We will do it. I wish I was there.”

Una nang bumuo ng composite team ang DFA at si Environment Secretary Roy Cimatu na ipapadala upang pag-aralan kung papaano ang gagawing mas maayos na repatriation kung sakali sa 1,000 mga OFW na naiipit sa Tripoli, Libya.

Noong nakaraang linggo isa ring OFW ang nagtamo ng sugat nang tumama ang rocket sa lugar malapit sa tinitirhan ng mga Pinoy community.

Noong nakalipas lamang na weekend nang makauwi naman sa Pilipinas ang unang batch ng mga Pinoy workers kabilang na ang apat na estudyante at tatlong hospital workers.

Ngayong linggo naman nakatakdang i-evacuate sa Tunisia ang 15 nagsumite ng request para makauwi ng bansa.

Patuloy naman ang pakiusap ng DFA sa mga pamilya at kamag-anak ng mga OFW dito sa Pilipinas na kumbinsihin ang kanilang mga kaanak na umuwi na lamang.

“We understand they are here to provide for their families back home, but the situation here is becoming increasingly dangerous for those who want to stay,” wika pa ni Cato.

Inihayag na rin sa Bombo Radyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nananatili pa rin ang alert level 3 sa Libya na nangangahulugang patuloy ang total deployment ban.

Sa ngayon pinaghahandaan ng DOLE ang pagtaas pa sa alert level 4 dahil kung sakali hudyat na ito para magsagawa ng force repatriation sa mga OFWs.

DOLE Secretary Silvestre Bello III interview over Bombo Radyo on Libyan crisis

Ang pag-igting ng Libyan crisis ay bunsod na rin nang deklarasyon ni Gen. Khalifa Haftar na unti-unti na ang pagkubkob nila sa kabisera na Tripoli mula sa UN-backed government ni Prime Minister Fayez al-Serra.

Patuloy naman ang paglunsad ng counter-offensive ng government forces kasama na ang air strikes laban sa umaabanse na Libyan National Army (LNA) ni Gen. Haftar.

Sinasabing mahigit na sa 220 katao ang nasawi sa patuloy na paglala ng sitwasyon sa naturang bansa.

Si Gen. Haftar ay dating army officer na itinalaga noong taong 2017 bilang LNA chief sa ilalim nang naunang internationally recognised government na nakabase sa lugar ng Tobruk.

Lumakas ang loob ni Haftar na makuha ang pamumuno dahil sa ibinibigay umanong suporta sa kanya ng Russia, Egypt at UAE.