Tinatrabaho na ngayon ng gobyerno ang paglalatag ng Local Public Transportation Route Plan (LPTRP) na ikalawang yugto o component ng PUV Modernization program matapos ang consolidation phase.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Andy Ortega tutukuyin sa naturang route plan ang kaukulang bilang ng units na dapat bumiyahe sa partikular na ruta.
Umaasa naman ang ahensiya na matatapos ang ikalawang phase ng programa sa taong 2026. Ito ay sa kabila pa ng mga panawagan ng mga Senador na suspendihin muna ang programa.
Samantala, ayon kay USec. Ortega ang magiging susunod na phase ng programa kapag natapos na ang route plan ay ang pagbili ng mga modernong sasakyan.
Kung matatandaan, sinimulan ng gobyerno ang PUVMP noong 2017 na naglalayong palitan ang mga tradisyunal na dyip, bus at iba pang Public Utility Vehicles (PUVs) na 15 taon na para mabawasan ang polusyon at mapalitan ang mga ito ng mas ligtas, mas komportable at mas environment-friendly na modernong unit.