Namataang patungo sa Bajo de Masinloc o Scarborough shoal ang ikatlong barko ng China Coast Guard (CCG) para samahan ang nagkukumpulang mga barko ng China sa lugar ayon sa ulat mula sa US maritime security analyst nitong araw ng Sabado.
Bunsod nito, madaragdagan pa ang pwersa ng Chinese fleet sa mayamang fishing ground kung saan magiging 3 na ang barko ng China Coast Guard at 25 naman ang Chinese maritime militia vessels sa lugar base na rin sa iniulat nitong Biyernes ng Philippine Coast Guard.
Sa ibinahaging digital imagery ni dating United States Air Force official at dating Defense Attaché Ray Powell na parating na ang China Coast Guard ship 5303 mula sa kanlurang bahagi para samahan ang mga barkong nagkukumpulan sa may Scarborough shoal.
Sa parehong image, makikita rin ang 8 Chinese militia vessels at 2 CCG ships na papalapit sa shoal partikular na sa bukana ng lagoon.
Ang bilang na ito ng mga barko ng China sa Bajo de Masinloc ay tumaas ng apat na beses kumpara sa huling namataang 6 lamang na Chinese vessels noong Pebrero kung saan nagsagawa ng pagpapatrolya ang BFAR sa lugar.