-- Advertisements --

Muling maglalayag ang Atin Ito Coalition patungo sa West Philippine Sea para sa ikatlong civilian mission nito sa darating na summer o Mayo 25 para isulong ang pagkakaisa at soberaniya ng ating bansa.

Kung saan makakasama ng koalisyon sa naturang misyon ang nasa 100 civilian volunteers kabilang ang mga mangingisda, artists at advocates mula sa Pilipinas at mga bansa sa ASEAN. Plano ding imbitahan ang mga mangingisda mula sa ibang bansa na apektado ng mga panghaharass ng China.

Inilatag ni Akbayan Partylist President at Atin Ito Coalition Co-Convenor Rafaela David ang tatlong layunin ng isasagawang civilian mission sa WPS. Una ay isulong ang kapayapaan at pagkakaisa, suportahan ang mga lokal na komunidad at mula sa ibang claimant countries at hikayatin ang pagkakabit-bisig ng mga bansa na apektado ng agresyon ng China.

Ilan sa mga aktibidad na isasagawa sa naturang misyon ay ang kauna-unahang “Peace and solidarity Concert” sa mismong exclusive economic zone ng Pilipinas sa WPS kung saan itatampok ang mayamang kultura ng ating bansa.

Samantala, patuloy naman ang pagkalap ng koalisyon ng mga donasyon na ipapamahagi sa mga frontliners at mangingisda na apektado ng mga agresyon ng China.

Idinaing naman ni Ka Nards Cuaresma, ang presidente ng New Masinloc Fisherman Association na noon halos hindi nila maramdaman ang pag-aksiyon ng pamahalaan sa panghaharass ng China sa mga mangingisda sa WPS. Subalit nabuhayan ang kanilang loob at natutong ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang mga mangingisda nang inilunsad ang mga naunang civilian mission ng Atin Ito coalition sa WPS.

Ang panibagong civilian mission ay kasunod ng dalawang matagumpay na misyon na isinagawa noong 2023 at 2024 sa WPS kung saan namahagi ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino sa naturang karagatan kasabay ng pagpapataas ng kamalayan ng publiko sa isyu sa WPS.