Target isagawa ang ikatlong hostage-prisoner swap sa pagitan ng Israel at Hamas ngayong araw ng Huwebes, Enero 30.
Kung saan nasa 3 Israelis habang 5 Thai nationals na bihag ang target na palayain bilang parte pa rin ng ceasefire deal sa pagitan ng magkabilang panig na layuning waksan na ang giyera sa Gaza.
Tinukoy ng opisina ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ang 3 Israelis na papalayain ngayong araw na sina Arbel Yehud, Agam Berger at Gadi Moses at kinumpirma din ang pagpapalaya sa 5 Thai nationals na bihag sa Gaza.
Nakatakda namang palayain ng Israel ang nasa 110 bilanggo sa kanilang piitan kung saan 30 sa kanila ay minors kapalit ng 3 Israelis na papalayain ngayong Huwebes ayon sa Palestinian Prisoner’s Club advocacy group.
Ayon pa sa tanggapan ni PM Netanyahu, nakatakdang isagawa ang ikaapat na palitan ng mga bihag at bilanggo sa Sabado kung saan nasa 3 kalalakihang Israelis ang papalayain.
Matatandaan na naging epektibo ang kasunduan para sa tigil putukan sa pagitan ng Israel at Hamas noong Enero 19 ng kasalukuyang taon na nagbigay daan sa pagpapalaya sa natitirang bihag na Israelis na dinala ng Hamas sa Gaza noong October 7, 2023 attack kapalit ng pagpapalaya sa mga Palestinong nasa piitan ng Israel.