Kinumpirma ngayon ng San Miguel, Bulacan police ang pagkakatagpo sa bangkay ni Anthony Garcia alyas Tony, ang ikatlong tinaguriang persons of interest na pinatay dahil sa pagkakaugnay umano sa masaker sa limang miyembro ng pamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon kay P/Supt. Isagani Enriquez, hepe ng San Miguel, Bulacan PNP, balot umano ng masking tape ang mukha at kamay ni alyas Tony nang ito ay makita.
Aniya, sa inisyal na imbestigasyon lumalabas na nagtamo ng maraming gunshot wounds sa katawan ang biktima.
Sinasabing si Garcia ay nauna nang dinukot sa bahay ng kanyang lolo noon pang Biyernes at hindi na ito nakita pa.
Ilang kamag-anak naman ni Garcia ang nagtungo nitong umaga ng Sabado sa Pacalag, San Miguel, Bulacan matapos abisuhan sa bangkay na nakita at doon na kinilala ang missing na kaanak.
Bago ito, natagpuang patay din sina Ronaldo Pacinos alyas Inggo at Rosevelt Serema alias “Ponga†na kapwa itinuturing din na mga persons of interest sa pagmasaker sa limang miyembro ng pamilya kung saan dalawa pa rito ay posibleng ginahasa.
Sa ngayon meron pang isang person of interest sa krimen na nagngangalang Alvin Mabesa ang hindi pa rin nakikita matapos na dinukot daw at tinangay ng mga lalaking suspeks.
Ang isa pang suspek na si Carmelino “Miling” Ibañez na siyang unang nagturo sa mga person of interest na kasama raw sa pagpatay sa biyenan, misis at tatlong anak ni Dexter Carlos, Sr., ay nasa kustudiya ngayon ng pulisya matapos na kasuhan.
Una na ring pinabulaanan ng provincial director ng PNP Bulacan Provincial Office na si S/Supt. Romeo Caramat na may kinalaman ang kapulisan sa pagkamatay ng dalawa sa limang mga suspek.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Caramat, hindi umano totoo na ang pulisya ang may kagagawan sa pagkamatay nina alyas Inggo at alyas Ponga.
Mahigpit daw kasi na ipinagbabawal sa kanila ang maging parte ng sinasabing summary killings.
Dagdag pa ni Caramat, hindi nila ilalagay sa alanganin ang kanilang tungkulin ng dahil lang dito.
Propesyunal din umano ang kanilang kapulisan at hindi magagawang mailagay sa kanilang kamay ang batas.