Kinumpirma ng mga lokal na opisyal sa Baltimore, Maryland USA na narekober ang ikaapat na labi ng biktima sa gumuhong tulay sa Patapsco River matapos mabangga ng isang malaking cargo ship noong Marso 26.
Narekober ang bangkay ng ikaapat na biktima noong Lunes matapos maispatan ng mga diver ang pinaniniwalaang nawawalang construction vehicle kung saan sa loob nito natagpuan ang labi ng biktima ayon sa Key bridge Unified Command.
Hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan ng biktima bilang respeto sa kahilingan ng pamilya.
Una ng napaulat na anim na construction worker ang nasawi matapos ma-trap sa mga konkreto at nayuping mga bakal na debris ng gumuhong Francis Scott Key Bridge.
Dalawa sa mga ito ang nananatiling nawawala habang nauna ng narekober ang labi ng 3 iba pa.
Samantala, naglunsad naman ang Federal Bureau of Investigation ng criminal investigation kaugnay sa insidente.
Kaugnay nito, magsasagawa ang FBI agents ng court-authorized law enforcement activity kaugnay sa insidente.
Ang magiging pokus ng imbestigasyon ay aalamin kung umalis ng daungan ang mga tripulante ng Dali kahit pa alam ng mga itong mayroon ng seryosong problema ang sistema ng cargo ship.
Narekober naman ng mga imbestigador ang black box recorder ng barko na nagbibigay ng data sa kanilang position, speed, heading, radar, bridge audio at radio communications gayundin ang alarms.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pagtanggal sa mga debris ng gumuhong tulay at pagpapanumbalik ng tarffic patungo sa shipping channel ng Baltimore port.