-- Advertisements --
NATIONAL REMEMBRANCE DAY FOR SAF 44

Bahagyang naging emosyonal ang naging paggunita sa ika-walong taong anibersaryo ng kagitingan at kabayanihan ng Fallen 44 Special Action Force Comandos na nasawi sa bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Ngayong araw ay pinangunahan mismo nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang idinaos na National Remembrance ng sakripisyo ng tinaguriang SAF 44 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan sila nag-alay ng bulaklak kasabay ng 21 gun salute sa shrine ng SAF 44.

Sa naging pahayag ni Bersamin ay pinasalamatan niya ang mga naiwang pamilya at lalong lalo na ang magiting na sakripisyo ng mga yumaong pulis dahil sa kanilang matapang na pagtugis at pagpatay sa Malaysian terrorist na si Zulkifi Adbbir o mas kilala sa pangalan na “Marwan”.

Bagama’t naging malupit at mapait ang alaalang ito para sa mga naiwang pamilya ng mga nasawing pulis ay isang malaking tagumpay naman aniya ang kanilang nagawa hindi lamang para sa Pilipinas kundi pati na rin para sa lahat ng naging biktima ng master bomb maker na si Marwan.

Sa bukod naman na pahayag ay ipinangako ni PNP chief Azurin na sakaling makapasa sa medical examination ang mga naulilang anak ng SAF 44 ay pahihintulutan silang makapasook sa Philippine Military Academy (PMA), at Philippine National Police Academy (PNPA) na bahagi ng mga benepisyo sa mga medal of valor awardees.

Kasunod ito ng kahilingan ng mga naiwang pamilya ng yumaong mga pulis na masuportahan sana ang kanilang mga anak na nagnanais din na pumasok sa PMA at PNPA.

Samantala, sa kabilang banda naman ay tiniyak ni Azurin na nagpapatuloy ang kanilang pag-aaral sa mga naging pagkukulang ng liderato ng Pambansang Pulisya upang hindi na muling maulit pa ang karumal-dumal na kinahinatnat ng naturang mga bayani.

Ang National Day of Remembrance ay taon-taong isinasagawa upang hindi makalimutan ang kabayanihang ipinamalas ng nasabing ma pulis.

Kung maaalala, napatay ang Fallen 44 ng Special Action Force sa kanilang ikinasang anti-terrorist operation na tinawag na “Oplon Exodus” laban sa Malaysian terrorist na si Marwan sa Mamasapano, Maguindanao.