-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Natagpuan ang ika-walong bangkay sa bahagi ng Marcos Highway sa Poyopoy, Taluy Sur, Tuba, Benguet kaninang umaga.

Ayon kay Major James Acod, hepe ng Tuba Municipal Police Station, resulta ito ng karagdagang paghahanap nila sa lugar kung saan natagpuan ang pitong bangkay nitong Martes ng hapon.

Nagtungo rin doon ang ilang mga nawawalan ng kapamilya kung saan isang pamilya ang kumilala sa ika-walong bangkay.

Ayon kay Virgie Ticwado, ang ikawalong bangkay ay ang pamangkin niya na inireport nilang missing sa pulisya matapos hindi umuwi mula noong October 8.

Aniya, ang ika-walong bangkay ay si Kent Charlie “KZ” Lubiton Licyayo, 22, residente ng Ucab, Itogon, Benguet at tubong Hingyon, Ifugao.

Kinumpirma ng nobya ni Licyayo ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng suot nitong hikaw, singsing, boxer short at short pant.

Ayon sa pamilya, mag-isang nagbiahe si Licyayo mula Hingyon, Ifugao hanggang Baguio City noong unang linggo ng Hunyo ngayong taon at huli itong nakita noong October 8 sa isang bus terminal dito sa Baguio City.

Samantala, kinilala naman ng ama at kapatid nito ang ikatlong bangkay na narekober nitong Martes.

Nakilala itong si Fahad Manan Macalanggan, 28-anyos, isang Maranao at residente ng Crystal Cave, Baguio City.

Nakilala ito dahil sa kanyang mga tattoo sa kanan at kaliwang braso.

Sa ngayon, nananatili pa ang mga bangkay sa isang punerarya para sa kumpirmasyon ng pagkakakilanlan ng mga ito.