Gumulong na ngayong araw ang ika-walong pagdinig ng makapangyarihang Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., inimbitahan ng komite ang mga kaanak ng mga biktima ng drug war ng nakalipas na administrasyon upang magbigay ng kanilang testimonya.
Ilan dito ay mga drug war victims sa Cebu City at mga kaanak ng mga napatay sa drug war sa Barangay Batasan Hills sa Quezon City.
Maalalang sa huling pagdinig na isinagawa ng komite ay natunton ang umano’y planadong pananambang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga, batay na rin sa testimonya ni Lt. Col. Santie Mendoza.
Ayon kay Mendoza, tinawagan siya ni Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo kaugnay sa umano’y kaugnayan ni Barayuga sa illegal drugs trade at ipinag-utos na magsagawa ng operasyon laban sa kanya.
Sa naging salaysay ni Mendoza, sinabihan umano siya ni Leonardo, na may ‘blessing’ o basbas na rin dito si dating PCSO general manager Royina Garma.
Ayon naman kay Quad Comm Chair, Cong. Ace Barbers, magtutuloy’tuloy ang mga pagdinig na isasagawa ng komite upang matukoy ang lahat ng koneksyon sa pagitan ng mga perang inilalabas ng mga Philippine Offshore Gaming Operator(POGO) at ang drug war ng nakalipas na administrasyon na kumitil ng maraming buhay.
Unang sinimulan ang pagdinig ng Quad Committee noong Aug. 16, 2024 sa bayan ng Bacolor, Pampanga.