-- Advertisements --

Sa ika-walong pagkakataon ay muling maghaharap ang Team USA at Team France sa men’s 5X5 basketball sa Olympics.

Nakatakda kasing magharap muli ang dalawa bukas ng madaling araw (3AM, Aug. 11) oras sa Pilipinas, para sa gold match ng naturang event

Mula sa walong beses na paghaharap ng dalawa, tatlo dito ay pawang Finals kung saan natalo ang France.

Ang limang iba pa ay pawang group at knockout stage na kung saan minsan pa lamang nanalo ang France at ito ay noong Tokyo Olympics sa ilalim ng group stage. Ang dalawang team din ang kinalauna’y nagharap sa Finals ng Tokyo Olympics na tuluyang naipanalo ng US.

Bago ang laban ng dalawa, maraming mga fans, basketball analysts, at mga players na ang naghayag ng pananabik para sa banggaan ng dalawa. Tinatawag ng mga ito ang naturang bakbakan bilang rematch ng Tokyo Games.

Samantala, ang dalawang bigating team ay kapwa binubuo ng mga NBA stars at mga big men.

Sa Team France, pinapangunahan ito ng tinaguriang twin tower: Victor Wembanyama at Rudy Gobert. Kasama ng dalawa ang mga NBA shooters na sina Evan Fournier, Nicolas Batum, atbpa.

Ang Team USA naman ay binubuo ng mga beteranong NBA players na kinabibilangan ng dalawang 4-time NBA champion na sina Lebron James at Stephen Curry, at ilang bigman na sina Joel Embiid, Kevin Durant, at Bam Adebayo.

Kung sakaling maipanalo ng France ang naturang laban, ito na ang kauna-unahang gintong medalya nito sa men’s 5X5 basketball.

Kung maipapanalo naman ng US, ito na ang ika-17 gold medal ng naturang bansa sa Olympic men’s 5X5 basketball.

Sa kasaysayan ng US, hawak nito ang 16 mula sa 20 gold medals sa Olympic basketball mula nang maging Olympic sport ang basketball noong 1936.