-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pormal nang binuksan ang 86th Araw ng Dabaw celebration kahapon ng hapon sa pangunguna ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Unang isinagawa ang Misa Pasasalamat alas 3 ng hapon sa San Pedro Cathedral na sinundan naman ng opening program alas 4:30 ng hapon.

Inihayag ni Mayor Baste Duterte na matapos ang ilang taon na virtual celebration ng Araw ng Dabaw dahil sa Covid-19 pandemic, sa wakas ay personal nang masasaksihan muli ng mga Dabawenyo ang mga nakasanayan na nitong mga aktibidad.

Isa lang ang mensahe ni Mayor Baste para sa mga Dabawenyo na magka-isa at magtulungan para mapanatili ang kapayapaan.

Nanawagan din ang Alkalde sa publiko na suportahan ang ipinapatupad na culture of security na “Pag may Nakita, dapat Magsalita” dahil ito lamang ang tanging susi upang malabanan ang terorismo at kagulohan lalo na sa mga panahon na kagaya nito.

Samantala, inihayag naman ni Jennifer Romero, Officer In Charge ng City Tourism Office, na aasahan nila na makakamit ng lungsod ang target na 150 – 200,000 tourism arrival para sa buong buwan na selebrasyon ng Araw ng Dabaw ngayong Marso.

Kasama rin sa nga dumalo sa opening ceremony sina Special Assistant to the President Anton Lagdameo at Presidential Assistant for Eastern Mindanao Leo Magno.