Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang ika-walong batch ng mga Overseas Filipino Workers mula sa Israel na apektado sa nagpapatuloy na kaguluhan sa naturang bansa.
Batay sa impormasyong inilabas ng Department of Migrant Workers(DMW), ang inisyal na bilang ay 32 Pinoy workers at isang sanggol.
Gayonpaman, maaari pa umanong madagdagan ang bilang ng mga ito dahil mayroon pang mga Pinoy workers na kasalukuyang inaasikaso ang kanilang dokumento.
Inaasahang alas-3 ng hapon bukas, Nobiembre-16, ay lalapag ang commercial flight na mag-uuwi sa mga Pinoy workers sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Samantala, sasalubungin naman sila ng mga opisyal at kinatawan ng Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of Migrant Workers(DMW).
Batay sa sinusunod na protocol, agad na sasailalim ang mga ito sa medical check-up upang matiyak na maayos ang kanilang kalagayan, bago tuluyang babalik sa kanilang pamilya.