-- Advertisements --

Planong palawigin pa ng pamahalaan ng isa pang linggo ang ikaapat na round ng Bayanihan Bakunahan sa mga lugar na may mababang rate ng pagbabakuna.

Aminado si Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chair Myrna Cabotaje na nahihirapan ang gobyerno na makamit ang target na makapagbakuna ng nasa 1.8 milyon ma mga Piipino sa buong bansa.

Nanatiling mababa kasi ang output ng pagbabakuna sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), na may 15,000 at 14,000 na inoculated lamang, ayon sa pagkakabanggit, sa unang dalawang araw ng inisyatiba.

Ang mga pag-ulan at pagbaha rin aniya sa maraming lugar sa bansa ang isa sa mga dahilan kung bakit nahahadlangan ang pagpunta ng mga tao sa mga vaccination sites at maging sa house-to-house inoculation ng mga vaccinators.

Aniya, bilang pagtugon sa mga suliraning ito ay kinakailangan na baguhin ng mga healthcare workers ang kanilang estratehiya upang maabot ang mas maraming tao, lalo na ang mga senior citizen.

Marami pa kasi aniya sa ating mga kababayan na senior citizen ay hindi pa nababakunahan dahil nahihirapan ang pamahalaan na kumbinsihin ang mga ito na magpabakuna dahil nakikipagtalo lang daw ang mga ito sa kanila sa pangangatwirang matanda na sila at malapit nang mamatay.