Muling nagpatupad ng panibagong rigodon sa ilang matataas na opisyal ng Pambansang Pulisya si Philippine National Police chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa ikaapat na pagkakataon mula nang siya ay mailuklok sa kaniyang posisyon.
Ilang araw matapos ang kamakailan lang na ipinatupad na balasahan sa ilang opisyal ng kapulisan, ay muling naglabas ng special orders ang National headquarters ng PNP kung saan epektibo mula bukas, Mayo 8, 2024 ay manunungkulan si PMGen. Bernard Banac sa Directorate for Police Community Relations.
Hahalili sa kaniya bilang bagong acting director ng PNP Special Action Force ay si PBGen. Mark Pespes na dating nanunungkulan bilang Director ng Southern Police District ng National Capital Region Police Office kung saan papalitan naman siya ni PCol. Leon Victor Rosete na nagmula sa Police Retirement and Benefits Service.
Habang itatalaga naman bilang bagong Director ng Police Retirement and Benefits Service si PBGen. Dindo Reyes mula sa Directorate for Comptrollership.
Paliwanag ng Pambansang Pulisya, ang panibagong balasahan na ito sa ilan sa kanilang matataas na opisyal ay dulot ng pagkakabakante ng ilang posisyon matapos ang pagreretiro ng ilan sa kanilang mga opisyal.