Tiniyak ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Commo. Roy Vincent Trinidad na mahigpit nitong babantayan ang ikakasang Civilian Mission ng ilan sa ating mga kababayanv sa pangunguna ng Atin Ito Coalition sa bahagi ng West Philippine Sea.
Bagama’t tumanggi ang naturang opisyal sa iba pang mga detalye hinggil sa kanilang deployment para sa naturang aktibidad ay tiniyak naman nito ang magiging seguridad ng mga indibidwal na makikilahok sa naturang aktibidad.
Bukod dito ay inihayag din ni Commo. Trinidad na maging ang Philippine Coast Guard ay magbabantay din sa flotilla ng civilian mission.
Kasabay nito ay pinuri rin ng opisyal ang organizers ng Atin Ito sapagkat ang kanila aniyang mga hakbang ay nagpapakita lamang na whole of the nation approach hinggil sa isyu sa WPS, bagay na dapat aniyang irespeto ng China.
Kung maaalala, una nang inihayag ng Atin Ito Coalition na bukod sa pamamahagi ng mga donasyon sa mga mangingisda sa Bajo de Masinloc shoal ay plano rin nitong maglagay ng mga buoy sa lugar na markado ng mga katagang “WPS Atin Ito”.
Ayon sa nasabing grupo ang hakbang na ito ay kanilang pamamaraan ng pagpapakita ng kanilang karapatan na tumulong sa kapwa Pilipino sa sarili nating karagatan.
Anila, sakaling magkaroon man ng anumang uri ng pangha-harass mula sa China ay may mga nakahanda naman na aniya silang precautionary measures ukol dito.