DAUIN, NEGROS ORIENTAL – Bigo pa rin ang mga otoridad sa ikalawang araw ng kanilang search & retrieval operations para mahanap ang nawawalang British national na iniulat na nag-free diving sa Dauin Negros Oriental.
Nakilala ang dayuhang turista na si Mark David Morris, 44 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Monico Cubalan, Deputy chief of Police ng Dauin Municipal Police station, sinabi nito na inireport ni Emily Tan Fern, isang Singaporean national na asawa ni Morris, na hindi na ito nakabalik matapos nagdiving.
Nangyari pa ang insidente noong Martes ng hapon, Abril 22.
Ibinahagi pa umano ni Fern na nakatulog siya nang umalis si Morris at ipinagbigay-alam na lang sa inuupahan na aalis muna para magdiving.
Sinabi pa ni Cubalan na may nakakita din naman umano na papunta sa dagat ang British national at may dalang diving gear ngunit walang kasamang guide.
Aniya, parehong turista ang mag-asawa na dumating lang noong Abril 20 sa bayan ng Dauin at nakatakda sanang babalik sa darating na Abril 27.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinagawang search and retrieval operations ng pinagsanib-pwersa ng Philippine Coast Guard, Local Disaster Risk Reduction & Management Office, Bantay Dagat at iba pang volunteer groups para mahanap ang nawawalang dayuhan.
Nitong Huwebes, Abril 24, nakapokus naman sila sa underwater search at tiniyak ni Cubalan na hindi sila titigil hangga’t hindi ito makita.
Nanawagan naman ito sa publiko na kapag magscuba at free diving ay dapat dumaan sa tamang proseso upang may detalye o kaya ay may kasamang mga trained divers para maiwasan ang kahalintulad na insidente.