Inaasahang makakabalik na ngayong araw ang ikalawang batch ng mga Pilipinong marino na sakay ng MV Transworld Navigator na unang inatake ng mga Houthi rebels sa Gulf of Aden.
Kinumpirma ito ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan inaashaang mamayang alas-7 ng gabi ay lalapag na ang sinasakyan nilang commercial flight sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Nakatakda namang sumalubong sa kanila si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kasama ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ang mga ito ay unang dinala sa United Arab Emirates kung saan sila bumiyahe pabalik sa bansa.
Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ang DMW ng eksaktong bilang ng mga uuwing Pinoy ngunit una nang dumating sa bansa ang lima sa kabuuang 27 na tripulante nitong araw ng linggo.