-- Advertisements --

Makakatuwang na ng pamahalaan ang financial service providers (FSPs) sa pagpapahatid ng ikalawang tranche ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan, ayon sa DSWD.

Sinabi ng DSWD na isang memorandum of agreement ang lalagdaan ng anim na FSPs at Land Bank of the Philippines (LBP) para sa pagpapatupad ng digital disbursement ng SAP sa mga lubhang apektado ng lockdowns bunsod ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ng DSWD na matitiyak ang mabilis na pagpapahatid ng emergency cash subsidy sa pamamagitan nang paggamit ng digital electronic disbursement.

Nabatid na ang LBP ang siyang magiging responsable sa pagpapahatid ng pondo sa mga participating FSPs sa pamamagitan ng instructions at payroll documents na ibinigay ng DSWD.

Dahil dito, maari nang kuhanin ang emergency cash subsidy sa ilalim ng SAP mula sa GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, Starpay, at Unionbank.