Naniniwala ang Pilipino Tayo movement lead convenor at dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman na si Greco Belgica na naging maganda ang Ikatlong SONA ni PBBM kamakailan ngunit walang malinaw na plano para labanan ang katiwalian, itulak ang Constitutional Convention.
Ayon kay Belgica mahalagang banggitin ang mga konkretong plano para matugunan ang katiwalian sa gobyerno dahil negatibo rin ang epekto ng korapsyon sa mga proyekto at tagumpay ng administrasyon.
“Maganda ang narinig natin nung SONA dahil narining natin ang mga nagawa at plano ni Pangulong Bongbong Marcos sa bansa. Pero ang hindi nabanggit ay ‘yung mga problema at isyu ng korapsyon na bumabalot sa ilan sa mga programang ito,” aniya.
“Magaganda ang intensyon ng mga binanggit na proyekto, pero nagmistulang bandaid solutions ang mga ito sa problemang kinahaharap ng bansa,” dagdag niya.
Binanggit din ng dating PACC chairman kung paano, sa kabila ng pagbanggit ng Pangulo ng 5,500 flood control projects sa kanyang SONA, ilang lugar sa Metro Manila ang binaha pa rin kinabukasan dahil sa super typhoon Carina.
“Ang 5,500 flood control projects ay hinahanap ng tao ngayon dahil sa bagyo. Dahil ang mga proyektong balot ng korapsyon ay laging sub-standard, mahina, o walang kwenta,” aniya.
Sinabi rin ni Belgica na magiging mas Maganda sana ang SONA kung “patas at tumpak” na iprinisinta ni Pangulong Marcos ang mga nagawa ng kanyang administrasyon at ang mga proyektong kinuha nila sa nakaraang administrasyon, gayundin ang mga hamon na kanilang kinakaharap at ang kanilang mga mungkahing solusyon.
Sinabi rin ng lead convenor ng Pilipino Tayo movement na sana ay nanawagan ang Pangulo para sa isang Constitutional Convention sa kanyang SONA, na tutugunan sana ang “mga ugat” ng mga problema ng bansa.
Inulit ni Belgica ang kanilang panawagan sa gobyerno na magsagawa ng Constitutional Convention, at nanawagan sa publiko na sumama sa kilusang Pilipino Tayo sa nalalapit nitong mga Constitutional Convention.
Ang Pilipino Tayo movement ay nananawagan sa gobyerno na magpatawag ng Constitutional Convention at aktibong nakikipagpulong sa ilan sa mga pinakarespetadong pinuno, kinikilalang mga eksperto at intelektwal mula sa iba’t ibang industriya, at mga opisyal ng LGU para talakayin ang inisyatiba.
Plano rin ng grupo na magsagawa ng Constitutional Convention na lalahukan ng mga kinatawan mula sa lahat ng sektor at lalawigan sa bansa para bumalangkas ng panukalang Konstitusyon na mas makakatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa.
Ang ginawang Konstitusyon ay dapat isumite sa mga awtoridad at iharap sa mga tao.
Nag-alok na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magdaos ng Constitutional Convention sa Cordillera Autonomous Region CAR bilang suporta sa grupo at sa panawagan nito.
Ang Pilipino Tayo ay isang grupo na pinatawag ni dating PACC Chairman Greco Belgica, MNSA, Gen. Carlos Quita (Ret.), Atty. Eduardo Bringas, dating Senador Gringo Honasan, Gen. Atty. Fortunato Guerrero (Ret.), Bishop Grepor Belgica, Bishop Reuben Abante, Dr. Dennis Reyes, Prof. Froilan Calilung, at dating Congressman at Secretary Mike Defensor.