-- Advertisements --
ALALAYAN EXERCISES 2023

Iginiit ni National Coast Watch Center director, Philippine Coast Guard Vice Adm. Roy Echeverria na hindi “show of force” ang isinagawang pagsasanay ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ngayong araw.

Ito ay kaugnay sa ikinasang inter-agency exercises “Alalayan 2023” ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa Manila Bay.

Layunin nito na magsagawa ng test protocol at ipakita ang kapabilidad ng National Coast Watch Center sa pagsuporta sa mga ahensya ng pamahalaan sa pag-detect, pagtukoy, at pati na rin sa pagtugon sa mga maritime threats sa teritoryo ng Pilipinas.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa ng mga kinauukulan kasunod na rin ng kamakailan lang na pag-atake ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ngunit paglilinaw ni Philippine Coast Guard Vice Adm. Roy Echeverria, wala itong kinalaman sa naturang insidente.

Aniya, layunin din nito na subukan at mapalakas pa ang interoperability ng mga iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na nasa ilalim ng National Coast Watch Center at bilang paghahanda na rin ng ating bansa para sa mga kapareho ring mga kaganapan.

Ang Alalayan Exercises 2023 ay pinangunahan ng National Coast Watch Center at European Union sa pamamagitan ng Critical Maritime Routes Indo Pacific.

Kabilang sa mga lumahok dito ay ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines Command Center, Bureau of Immigration, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Bureau of Customs, Bureau of Quarantine, Intelligence Service of AFP, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Navy, and Philippine National Police – Maritime Group.