Naging matagumpay ang ikinasang fishing expedition ng isang grupo ng mga mangingisda sa bahagi ng West Philippine Sea sa kabila ng fishing ban pronouncement ng China sa mga lugar na inaangkin nito.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas – Zambales coordinator Joey Marabe, ligtas na nakabalik ang mga mangingisda sa dalampasigan kaninang umaga mula sa nilahukan nitong mga aktibidad sa West Philippine Sea na unang ikinasa kahapon.
Sa isang pahayag naman sinabi rin ni PAMALAKAYA National Chairperson Fernando Hicap na layunin ng aktibidad na ito na panawagan ang demilitarization sa WPS kasabay ng pagsusulong sa pagkilala sa mga traditional fishing ground ng mga Pilipinong mangingisda sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Kung maaalala, una nang binigyang-diin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na hindi nito kinikilala ang pronouncement ng China hinggil sa unilateral fishing ban nito sa mga teritoryong pilit na inaangkin.
Gayunpaman ay kapwa naman tiniyak ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.