KALIBO, Aklan—Walang naramdaman na epekto ang tatlong araw na tigil-pasada na ikinasa ng grupong Manibela sa kalakhang Maynila at iba pang lalawigan sa bansa.
Ayon kay Louie Tabios, presidente ng Cooperative Alliance for Modernized Transport Business Industry Operation, naging pabor pa sa kanila ang nangyari dahil nadagdagan ang kanilang kita sa tatlong araw na walang pumasada mula sa Manibela.
Kailangan na aniyang matuldukan ang mga ipinaglalaban na problema ng ilang grupo sa sektor ng transportasyon upang makausad na ang Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan dahil halos 80 porsyento ng public utility vehicles ay nagpasailalim na sa konsolidasyon at pinamamahalaan na sila ng kooperatiba.
Nabatid na ipinagdiinan ni Manibela president Mar Valbuena na mayroong mali sa programa ng gobyerno at hindi makatarungan para sa kanila ang ilang inilatag na rules and regulations kung kaya’t hindi sila magsasawang ipaglaban ang kanilang karapatan upang hindi mawalan ng kabuhayan.