-- Advertisements --

Muling nangalampag sa Department of Foreign Affairs (DFA) si opposition Sen. Risa Hontiveros para bigyan sila ng audit ng mga naihaing diplomatic protest laban sa China dahil sa mga pagpasok karagatang sakop ng ating bansa, pati na ang umano’y pagtaboy sa ating mga kababayan.

Ayon kay Hontiveros sa panayam ng Bombo Radyo, dapat maging transparent ang DFA sa mga ginagawang aksyon, lalo’t official document naman ito.

Paliwanag ng senadora, hindi maaari sabihin ng mga opisyal na daan-daang reklamo na ang naihain, ngunit wala namang maipakitang ebidensya.

“Sana po ay maipakita nila ang mga sinasabing diplomatic protest, dahil hindi pwedeng verbal lang ito. Mahalagang makitang ng publiko na kumikilos talaga ang proper agencies sa mga sensetibong usapin,” wika ni Hontiveros.

Samantala, nakahanda naman si Sen. Panfilo Lacson na maging bahagi ng grupong magtutungo sa West Philippine Sea, kasama ang Pangulong Rodrigo Duterte, kapag nagpatuloy ang China sa pagpasok sa mga teritoryo ng ating bansa.

Partikular na tinukoy ni Lacson ang Pag-asa island na isa sa mga islang pinamumuhayan ng ating mga kababayan.

Ang pahayag ni Lacson ay inilabas nito sa pamamagitan ng kaniyang official social media accounts nitong weekend.

Giit ng senador, bilang mambabatas ay maninindigan siya para sa kapakanan ng mga Filipinong nagmamahal sa ating kasarinlan.

Tahasan namang sinabi ni Sen. Richard Gordon na hindi pala kaibigan ang turing ng China sa Pilipinas.

Ayon kay Gordon, ang isang kaibigan ay hindi magpapadala ng daan-daang sundalong panlaban sa sinumang itinuturing nitong malapit sa kaniya.

“If we do not have a strong Navy, if we do not have a strong Army, we will be pushed around by other countries. Dapat malakas ang Armed Forces natin para igalang tayo ng China. Sabi ng China kaibigan natin sila, pero a friend does not send hundreds of army, hundreds of navy, does not send hundreds of vessels to harrass our fishermen in our territory. I’m glad that Sec. Locsin (Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin) already filed a diplomatic protest,” pahayag ni Gordon.

Bagama’t sinasabi ng China na civilian vessels ang halos 300 namataan sa may Pag-asa island, hindi umano katanggap-tanggap ang pagbuhos ng mga iyon sa lugar ng mga Filipino.