-- Advertisements --
Ilagan Isabela

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Ilagan City matapos makapagtala ng limang panibagong kaso sa COVID-19 na kinabibilangan ng city mayor at ng kanyang pamilya.

Sa inilabas na Executive Order Number 54 na pirmado ni Mayor Jose Marie Diaz, isinailalim sa ECQ ang Ilagan City para sa pagsasagawa ng malawakang contact tracing.

Nakapaloob din sa nasabing executive order na kinumpirma na ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na mayroon ng local transmission ng virus sa lungsod.

Magtatagal ang ECQ ng pitong araw na nagsimula ngayong araw hanggang sa August 12, 2020.

Kaugnay nito, isinailalim na sa lockdown ang city hall at sinimulan na rin ng mga kawani ang malawakang disinfection.

Samantala, inihayag ni Isabela Governor Rodito Albano na asymptomatic si Mayor Jose Marie Diaz at ang isa pang opisyal na positibo rin sa COVID-19.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, kanyang sinabi na sa ngayon ay nasa pagamutan na sa Metro Manila ang mga nasabing opisyal.

Dagdag pa niya, isinasailalim na rin kaagad sa disinfection ang tanggapan ng mga nagpositibong opisyal para matiyak na walang mahawaan ng virus.

Tiniyak naman ng punong lalawigan na hindi mapaparalisa ang transaksyon sa pamahalaang lokal kung saan nagsisilbi ang dalawang opisyal sa kabila ng pagkakahawa sa virus.

Kaugnay nito, hinimok ni Albano ang publiko na huwag mag-panic at sundin ang mga ipinapatupad na guidelines sa pag-iwas sa COViD-19.

Samantala, dahil sa mga naidaragdag na positibong kaso ng COVID sa Isabela ay mas hihigpitan pa ang pagpapatupad ng mga protocols.

Ayon pa kay Gov. Albano, sa mga susunod na araw ay hindi lamang face mask ang kanyang ioobligang gamitin ng publiko kundi maging ang pagsuot ng face shield.

Una nang kinumpirma ng DOH Region 2 na may panibagong 26 na kaso ang naitala sa rehiyon na nagpositibo sa COVID-19 na pawang mula sa lalawigan ng Isabela.