Galit na galit umano ang bansang China sa balakin ng US government na diplomatic boycott sa nalalapit na Beijing Winter Olympics.
Sinasabing lalo raw naasar ang China dahil ilan pang mga bansa ang gagayahin na rin ang hakbang ng Estados Unidos na bagamat magpapadala ng mga atleta, hindi naman kasama ang kanilang mga diplomats.
Sumunod na ring nag-anunsiyo ang New Zealand na hindi rin sila magpapadala ng diplomatic representatives sa Olimpiyada sa darating na buwan ng Pebrero bilang protesta sa ginagawang paglabag umano ng Beijing sa human rights.
Bilang reaksiyon, umalma ang ilang Chinese officials at sinabing “gumigimik” lamang daw ang Amerika at bahagi raw ito ng “political posturing.”
Giit pa ng China, sana raw ‘wag idamay ang Winter Games.
Aniya, kung tutuusin hindi naman daw nila imbitado ang mga US diplomats sa Games.
Samantala, tulad sa Amerika at New Zealand, pinaplano na rin na magdeklara ng diplomatic boycott ang mga bansang Canada, Australia, Lithunia at UK.
Sinasabing huling nangyari ang pagsagawa ng diplomatic boycott ng Amerika ay noong 1980 Moscow Olympics kung saan umabot sa 64 na mga bansa ang sumama.