-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Dumami pa ang nagpahayag ng kahandaan na tumestigo laban kay Peter Joemel Advincula na nagpakilalang Bikoy sa “Ang Totoong Narcolist” videos.

Ito’y matapos na pormal nang maihain nitong Hunyo 4 sa Department of Justice (DOJ) ang supplemental affidavit sa kasong estafa ng ilan pang umano’y nabiktima ni Bikoy.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danrick Capuz, nasa 50 katao umano ang sinasabing tinakasan at hindi binayaran ni Advincula matapos na mag-organisa ng beauty pageant.

Si Capuz ang nagsilbing production director ng pageant na isinagawa sa Polangui, Albay, at isa rin sa mga nag-abono upang hindi mapahiya sa mga inimbitahang kandidata, staff at performers.

Malaking pasasalamat din nito na tinulungan sila ng Ardeur World Marketing Corporation kahit nadamay lamang sa kontrobersiya, sa pagbabayad ng halos P500,000 na ginastos sa event.

Sa kabilang dako, tahasang sinabi ni Capuz na hindi na maituturing na kapani-paniwala para sa kanila ang mga pahayag ni Bikoy lalo scammer na ito sa kanilang pagkakakilala.