Lalo pang dumami ang bilang ng grupo ng mga mag-aasukal sa bansa na humihiling sa pamahalaan na tugunan na ang patuloy na pagbaba ng presyo ng asukal sa Pilipinas.
Kabilang sa mga naturang grupo ay ang Confederation of Sugar Producers’ Associations, National Federation of Sugarcane Planters at Panay Federation of Sugarcane Farmers.
Apela ng mga naturang grupo na bumuo na dapat ang pamahalaan ng mga measure o paraan upang mapigilan ang patuloy na pagbaba ng farmgate price ng asukal at maibalik ang maayos na presyuhan nang hindi nalulugi ang mga magsasaka.
Ayon sa naturang grupo, ang patuloy na pagbaba sa presyo ng asukal ay malaking banta kabuhayan ng mga magtutubo sa bansa.
Ang mga naturang grupo ang may hawak sa mahigit kalahati ng national sugar output sa bansa.
Batay sa datus na hawak nito, umaabot na lamang sa P2,552 hanggang P2,564 ang presyo ng kada-50kg na bag ng asukal nitong Nobyembre mula sa dating P2,825 per bag noong huling bahagi ng Setyembre.
Sa kabila ng mababang farmgate price, nananatili pa rin naman umano ang p80 hanggang P10 kada kilo ng asukal sa mga pamilihan.
Apela ng grupo sa pamahalaan na magkaroon ng isang diyalogo na dadaluhan ng lahat ng stakeholders upang mapag-usapan ang nararapat na tugon sa naturang problema.