VIGAN CITY – Susubukang maayos ang nalalabing gusot sa Philippine Olympic Committee (POC) kasabay ng gagawing meeting nitong umaga sa isang hotel sa Maynila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay dating POC chairman at Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella, kailangan nilang repasuhin at ayusin ang kaunting gusot sa POC sa kapakanan ng mga atleta.
Sinabi ni Puentevella, kinukuwestiyun pa rin ng kabilang grupo ang pagiging pangulo ng POC si Ricky Vargas sa kabila ng kaniyang pagbibitiw.
Umaapela ang opisyal sa kapwa niya sports officials na ayusin na ang gulo dahil pinapalaki ng iba ang napaka-simpleng problema.
Iginiit ng opisyal na kailangang magkausap ang dalawang grupo upang maplantsa na ang mga hindi pagkakaintindihan bago pa man ang hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre.
Una nang iminungkahi ni Puentevella na kausapin na ni POC President Bambol Tolentino ang mga komokontra sa kanya nang sa gayon ay mabatid nito ang problema.
Nangangamba rin si Puentevella na baka suspindihin ng International Olympic Committee ang POC sakaling hindi pa rin matigil ang isyu.