BUTUAN CITY – Dumulog din na sa himpilan ng Bombo Radyo Butuan ang isa pang lider ng KApilya kasama ang tatlo niyang mga kasamahang miyembro ng Kabus Padatoon Community Ministry International Inc. o KAPA-Butuan upang ireklamo ang hindi pagpapa-pay out sa kanila.
Ito’y matapos iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa KAPA habang kinasuhan naman ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang founder nito na si Pastor Joel Apolinario at mga opisyal sa nasabing tinaguriang investment scam.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng kanilang nagsilbing tagapagsalita na itinago lang sa pangalang “Langga” na taga-Loreto, Agusan del Sur na kahit daw alam nilang donasyon lang ang kanilang nilagdaang papel ay umaasa pa rin silang maibalik ang na-donate nilang pera dahil sa pangakong may interest itong 30% kada buwan.
Nalungkot naman si alyas Langga dahil nito lamang nakalipas na Mayo 28 ay nag-pay in siya ng P10,000 at sa Hunyo 28 na sana ang kanyang unang pay out ngunit naabutan nang pagsara.
Ito ang dahilan kung kaya’t nawalan na siya ng pag-asang mabawi ito pati na ang P400,000 na-invest ng kanyang kapatid.