Sumunod na ring naghigpit ang iba pang mga lungsod sa National Capital Region kasabay ng lalo pang tumataas na kaso ng mpox sa Pilipinas.
Pinakahuli dito ay ang Lungsod ng Malabon kung saan inatasan ni Mayor Jeannie Sandoval ang Sanitation Inspectors na mag-ikot sa mga establishimiyento at tiyaking sumusunod ang mga ito sa mga regulasyon para sa kalusugan at kalinisan.
Sa unang isinagawang inspeksyon, umabot sa 11 establishimiyento ang nakitaan ng mga paglabag at kulang na dokumento tulad ng sanitary permit, at health certificate ng mga staff.
Agad namang sinabihan ang mga ito na sundin ang sanitary at iba pang health regulation na sinusunod sa naturang lungsod upang maiwasan ang pagkakamulta o tuluyang pagpapasara.
Ayon sa alkalde ng siyudad, bahagi ito upang maprotektahan ang publiko laban sa pinangangambahang mpox nauna nang na-detect sa Quezon City.
Maalalang isang establishimiyento sa QC ang ipinasara ni Mayor Joy Belmonte matapos tanggihan ang mga contact tracer na magsagawa ng pagtunton sa mga posibleng nakasalamuha ng unang positibong kaso ng mpox.
Sa kasalukuyan, mayroon nang limang aktibong kaso ng mpox sa Pilipinas, batay sa datos ng Department of Health (DOH).