Nananatiling determinado ang liderato ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na maipasa ang marami pang pending na panukalang batas sa nalalabing siyam na session days ng patapos nang 17th Congress.
Sinabi ni House Majority Leader at Capiz Rep. Fredenil Castro na umaasa rin sila na makabuo ng quorum sa plenaryo ng Kamara upang maipasa ang mga pending na legislative bills na ito.
Nabatid na may hanggang Hunyo 7 pa ang 17th Congress para magdaos ng kanilang sesyon, pero inaasahan na mag-“adjourn sine die” sila sa Hunyo 5.
Sa kabilang banda, muling umapela si Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez sa Senado na ipasa na ang panukalang batas na bubuo sa Department of Disaster Resilience sa nalalabing session days ng outgoing 17th Congress.
Ayon sa chairperson ng House committee on accounts, marapat lamang na maisabatas na ang panukalang ito bago matapos ang 17th Congress kasunod na rin ng serye ng mga malalakas na pagyanig kamakailan sa bansa.