-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinihikayat ngayon ni Deputy House Speaker at Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez ang mga tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Human Rights (CHR) na iimbestigahan ang mga nangyayari na pagka-red tag ng ilang organizers ng community pantries na kasalukuyang aktibo sa buong bansa.

REP RUFUS RODRIGUEZ
Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez

Nag-ugat ang inihain na resolusyon ni Rodriguez na nagpapasaklolo sa nabanggit na mga tanggapan dahil sa pag-harass daw ng dalawang organizers na sina Rene Prinsipe Jr ng Kauswagan Community Pantry at kapatid na Muslim na si Babu Kwan Food Pantry owner Khal Mabuay-Campong na kapwa nakabasi sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Rodriguez na mismong siya ang magpa-follow up sa magiging resulta sa gagawing imbestigasyon sa tanggapang sentral ng NBI at CHR sa Maynila.

Sinabi ni Rodriguez na hindi ito katanggap-tanggap na kung kailan kumikilos ang mga sibilyan upang tulungan ang gobyerno ay nakakaranas pa ng harassments at akusasyon na tagasuporta sa kilusan ng CPP-NPA.

Magugunitang si Prinsipe ay una nang nakapaglunsad ng pantry sa siyudad at pansamatala munang itinigil ang pamimigay ng mga donasyon dahil nangangamba sa kanyang seguridad kaugnay sa natanggap na red tag materials sa mismong tinatayuan ng kanilang pantry.

Samantalang si Campong naman ay pinasok ng tatlong kalalakihan na nagpakilalang na “taga-intelligence” ang kanyang restaurant at tinatanong kung ano ang background ng kanyang donors para mayroong mai-report daw kanilang mga opisyal sa Manila.

Nilinaw din ng kongresista na maging ang ibang lugar na makakaranas sa katulad na pangyayari ay maari ring iimbestigahan ng mga nabanggit na mga opisina ng gobyerno.