Nadagdagan pa ang mga bayan at lungsod sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Cagayan at Isabela na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 bunsod ng Bagyong “Ramon.”
Ayon sa Pagasa, nasa ilalim na rin ng signal No. 1 ang mga bayan sa eastern portion ng Cagayan (Calayan, Aparri, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, Santa Ana, Lal-lo, Gattaran, Alcala, Baggao, Amulung, Iguig, Tuguegarao City and Peñablanca); eastern portion ng Isabela (San Pablo, Cabagan, Maconacon, Tumauini, Divilacan, Ilagan City, Palanan, at Dinapigue); at northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran, at Dinalungan).
Makakaranas ang mga nabanggit na bayan sa Cagayan at Isabela ng bahagya hanggang sa katamtaman na may panaka-nakang malakas na pag-uulan.
Nagbabala rin ang weather bureau sa mga residente ng naturang mga lugar na mag-ingat sa posibilidad ng baha at landslides at makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga disaster risk reduction and management offices.
Sa datos ng Pagasa, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 415 km silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging papalo sa 65 kph at may pagbugsong nasa 80 kph.
Mabagal ang pagkilos ng naturang sama ng panahon sa direksyong hilagang-silangan.