Nakatakda umanong irekomenda ni Trade Secretary Ramon Lopez sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang unti-unting reopening sa mga testing centers, kasama na ang mga gyms at computer shops sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ang muling pagbubukas ng naturang mga negosyo sa limited capacity ay posible raw isagawa simula sa Agosto 1.
Ang iba pang mga negosyo na irerekomenda ng Department of Trade and Industry para sa gradual reopening sa mga GCQ areas ay para sa mga pet grooming shops, gayundin sa mga personal grooming tulad sa aesthetic services sa hair, nail at skincare liban lamang sa full body massage.
Ayon pa kay Sec. Lopez hihilingin din nila ang partial reopening sa mga computer shops upang makatulong sa edukasyon.
Gayunman dapat 30 porsyento lamang daw ang papayagan na mga kliyente.
Halimbawa na lamang sa mga testing at review centers ay dapat maximum lamang na 10 sa loob ng tutorial centers.
Liban nito dapat obserbahan din ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask palagi, one-meter distance sa pagitan ng mga upuan, at palaging pag-disinfect sa mga rooms.
Samantala, pinaboran din naman ng DTI ang panukala na ang partikular na lamang na mga areas o barangay na may mataas na kaso ng COVID ang ilagay sa lockdown at hindi na sa buong siyudad o rehiyon para unti-unti ang pagbubukas ng mga negosyo.