Siniguro ni House Speaker Alan Peter Cayetano na matatapos ang ilan pang mga main sporting venues bago ang pagbubukas ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre 30.
Ayon kay Cayetano, na siya ring chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC), ngayong linggo raw matatapos ang venue sa lungsod ng Tagaytay, kung saan idaraos ang cycling at skateboarding.
Nakapaghanda na rin aniya sila ng contingency plans para sa Rizal Memorial Sports Complex na hindi kakayaning matapos sa araw ng opening ceremony.
“Usually countries have 4 years [to prepare]. We had a little bit below 2 years so Subic and then Tagaytay and then Rizal may hinahabol pa talaga,” wika ni Cayetano.
“I can tell you, handang-handa na tayo,” dagdag nito.
“The reality of hosting games like this where you have a thousand foreign journalists here, 11,000 athletes and coaches, and 9,000 volunteers… may day-to-day crisis management yan and day-to-day problems, including traffic. Doon ang sinasabi kong handa, prepared.”
Una nang ipinunto ng mga sports officials na ang pinag-ugatan ng mga delay ay ang pagkaantala ng 2019 budget, kung saan laman ang pondo ng SEA Games.
Matatandaang pinirmahan lamang bilang batas ang budget apat na buwan matapos ang karaniwang deadline nito sa Disyembre.